Thea Tolentino wants to experience being lead actress of an indie film

0
44
GMA-7 actress Thea Tolentino says she wants to star in a movie, preferably an indie film: “Gusto ko siyang ma-experience, kasi ibang klase yung film naman. Ibang usapan yun.

Bagamat kuntento si Thea Tolentino sa mga kontrabida roles na ibinibigay sa kanya, bukas din siya sa posibilidad na siya naman ang magbida.

Pero kung si Thea ang masusunod, sinabi ng 23-anyos na GMA-7 artist na mas maganda kung sa pelikula siya magbibida.

“Puwede naman natin i-explore yan sa film,” bulalas ni Thea.

Bigla siyang bumaling sa inire-record na video, at natatawang kumaway, “Hello po!”

Ayon kay Thea, isang beses pa lang niyang naranasan ang mag-shooting para sa pelikula, at “guest” lang siya sa This Time I’ll Be Sweeter nina Barbie Forteza at Ken Chan noong 2017.

“Gusto ko siyang ma-experience, kasi ibang klase yung film naman. Ibang usapan yun,” seryosong sabi ni Thea.

Partikular na sinabi ng aktres na gusto niyang gumanap sa isang independently produced movie.

“Gusto kong ma-experience yung mga indie film,” ani Thea.

Sakaling magbida si Thea, ayaw niya ng kuwentong may sakitan—gaya ng madalas niyang eksena sa mga teleserye.

“Gusto ko yung walang sabunutan,” sabi ni Thea.

“Gusto ko yung kapag nanood yung viewer makaka-relate siya sa akin, na kikirutin yung puso niya.”

THEA WANTS MORE CHALLENGING ROLES

Bagamat aminado si Thea na drama talaga ang forte niya, bukas din naman siya sa iba pang role na hahamon sa kanya bilang aktres.

Sabi ni Thea, “Puwede ko naman i-explore din yung comedy. Medyo takot pa ako kasi hindi naman ako funny in person. So hindi ako confident mag-comedy.”

Handa rin si Thea na subukan ang action-drama.

“Gusto kong ma-experience yung action din,” aniya.

Si Thea ang kontrabida ni Arra San Agustin sa bagong Kapuso teleserye na Madrasta, na sinimulan nang ipalabas noong October 7.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Thea sa media conference ng Madrasta nitong September 30, sa Quezon City, sinabi niyang walang problema sa kanya kung laging kontrabida ang karakter na ginagampanan niya.

“Dito ko talaga nate-test yung sarili ko; na kahit lagi akong kontrabida, paano ko iibahin yung bawat atake para hindi pare-parehas,” sabi ni Thea.

“Open naman po ako sa kahit anong ibigay sa akin.

“Parang okay lang sa akin kahit kontrabida ako ng mga gusto kong makatrabaho. Kasi parang it’s an honor na tarayan o awayin yung mga gusto kong makatrabaho.”

Sakaling magbida si Thea at kailangang may gumanap na kontrabida niya—gaya ng ginagawa niya sa mga nakatrabaho niya—sino ang gusto niyang “magpahirap” sa kanya?

Sagot ni Thea, “Dun na ako sa mga Ms. Gladys Reyes, Jean Garcia, Cherie Gil. Mga ganung level!”

Nakatrabaho na ni Thea ang lahat ng nabanggit niyang aktres. Nakasama ni Thea si Gladys sa teleseryeng pinagbidahan niya, ang Pyra: Ang Babaeng Apoy (2013), habang sabay naman niyang nakatrabaho sina Jean at Cherie sa The Half Sisters (2015).

ON BEING COMPARED TO GLADYS REYES

Kasama rin si Gladys sa cast ng Madrasta, at inaasahan nang magkakaroon ng mga kumprontasyon ang karakter ni Gladys at ni Thea, dahil sa serye ay magbiyenan sila.

Madalas na naikukumpara si Thea kay Gladys, at ikinatutuwa naman ito ng young actress dahil idolo niya si Gladys.

“Siyempre honored ako,” ani Thea.

“Si Ate Gladys kasi isa siya sa mga tinitingala ko talaga. Hindi lang on cam kundi pati off cam, kasi napaka-professional.

“Lahat ng ginagawa niya talaga mapa-off cam saka eksena, talagang nanggagaling sa puso,” dagdag pa ni Thea.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here